Tuesday, March 3, 2009

Himutok

Galit ako. Madalang to. Hindi ko maintindihan bakit naging malahiganteng pangyayari pa kung pwede sanang lawakan na lang ang pag-iintindi.

Nakakainis maipit, masakit masaktan, nakakatuyong umiyak, at nakakaubos ng lakas magpaliwanag sa animong sarado namang pagiisip. At ang malupit, sadya atang paulit-ulit.

Nakakalungkot. Nakakahinayang. Nakakalamukot ng mukha. Nakakabagabag.





Kung paiiralin muna ang unawa bago ang paghuhusga at paghuhugas kamay.

Kung titigilan ang pagmamalaki at paghahanap ng masisisi at masusumbatan.

Kung pipiliing manahimik kesa magbitaw ng mga salitang nakakalamat.

Kung magpapatawad at hihingi kaagad ng tawad sa sarili at sa kapwa.

Kung uunahin ang kapakanan ng iba bago ang sarili.

Kung magpapakumbaba at matututong rumespeto.

Kung maninindigan sa tama at bigyang halaga ang kapakanan ng iba.

Kung magpapasalamat bago magreklamo at maghanap.





Simple lang sana ang buhay kung ganyan. Di ko rin alam pano matitigil ang pag-ulit ulit.. malinaw lang sa akin ang pagtanggap sa realidad na ito. Walang may gusto pero andyan, nangyayari. Pinagdadasal ko na lang ang katinuan at liwanag para makaraos at umasang may dalang magandang pagbabago ang umaga. Laging may bukas pa. Tapos na ang kahapon.

Malamang bukas hindi na ako galit. Masaya na uli. Tuloy ang buhay. Ganun lang talaga. Sa ngayon, ninanais kong umintindi at magmahal pa rin kahit galit ako.

2 comments:

  1. The greatest remedy for anger is delay.
    -- Seneca.

    We're on the right track.. Just stay close.

    ReplyDelete
  2. Boss, tama ka. Ganyan lang talaga. Today is a new day. Hindi rin natin masabi kung may panibagong panunumbat sa ngayon, pero ang magagawa lang natin, eh umasa ulit sa bawat bukas na paparating. hehe yon lang.

    ReplyDelete